top of page

PERSONAL STORY: Kamusta Ka Na, Pilipinas? "Bayang magiliw, Perlas ng Silanganan..."

Bishop Jun Sescon

26 May 2026 at 14:33:32

PERSONAL STORY: Kamusta Ka Na, Pilipinas? "Bayang magiliw, Perlas ng Silanganan..."

Bishop Jun Sescon

Facebook/Diocese of Balanga

Kamusta Ka Na, Pilipinas?

"Bayang magiliw, Perlas ng Silanganan..."


Kamusta ka na, Pilipinas?

Magiliw ka pa rin ba o sadlak na sa pighati at kawalan ng tiwala at pag-asa? 

Ang perlas ba'y kumikinang pa,

o nababalot na ng putik ng katiwalian, kalawang ng kasinungalingan

at dumi ng kawalang katarungan?


Nagluluksa ang kabundukan na kinalbo ng kasakiman.

Umiiyak ang mga ilog na nilason ng kapabayaan.

Humihingal ang hangin sa usok ng walang habas na negosyo.

Binabaha na ang mga kabayanan dahil sa mga ganid at walang kabusugan.


At ang dagat - ang ating dagat - unti-unting ninanakaw ng dayuhan

habang tayo'y abala sa pagtatalo at pagkakawatak-watak

at ang iba naman ay ipinagkakanulo ka.


Kamusta ka na, Pilipinas?

Bayan ng masisipag

ngunit pinapalayas ng kahirapan, mga may galing, sipag at talino

upang may makain ang pamilya.

Dahil ang sariling bayan ay hindi maipagkaloob ang sapat na pamumuhay.


Kamusta ang mga manggagawa na kulang ang sahod ngunit sobra ang sakripisyo?

Kamusta ang mga magsasaka na walang ani sa sariling lupa?

Kamusta ang mga mangingisdang unti-unting nawawalan ng dagat?

Kamusta ang mga pinaslang at naulila na hanggang ngayon ay pinagkakaitan ng katarungan?

Kamusta ang mga kabataang nalulunod sa maling halimbawa

at wala sa ayos na sistemang pang edukasyon?


Kamusta na ang nahihirapan sa taas ng bilihin, walang makuhang pampagamot at

nagtitiis sa buhay dala ng kabuktutan ng mga nasa kapangyarihan?

Kamusta na ang mga paulit-ulit na niloloko ng kanilang mga piniling lingkod

na pagkatapos ng kabulastugan ay sisigaw pa ng "Para sa bayan!"?

At kamusta tayo?


Bakit tila nasanay na tayo

sa balitang may ninakaw,

may pinatay,

may nagsinungaling,

may nang-aabuso ng kapangyarihan para sa pansariling interes?


Tayo na madaling magalit ngunit madali ding makalimot.

Tayo na bugnot sa katiwalian

ngunit bumoboto pa rin sa mga pabida at makasarili kapalit ang ayuda at pera. 

Tayo na nasusuka na sa palabas

pero bulag at bingi pa rin kapag kakampi natin ang gumagawa.

Tayo na marunong magdasal ngunit takot manindigan.

Tayo na humihingi ng pagbabago ngunit ayaw magsimula sa sarili.


Kamusta ka na, Pilipinas?

Pagod.

Wasak.

Niloko.

Pinagsamantalahan.

Tila paulit-ulit na pinagbibili at pinagtataksilan.

Gayunpaman, Pilipinas... sa ilalim ng mga panaghoy, may tibok pa rin ng pag-asa, may alab ng puso.

Hindi ka kulang sa galing, talino, at likas na yaman. May mga Pilipino pa ring mabuti, inuuna ang bayan, marunong mahiya, lumaban, magmahal, maglingkod, at may takot pa sa Diyos.


Kaya't Pilipinas kong mahal, Lupang hinirang... Bumaling tayo sa Diyos

Upang Katotohanan ay malantad

Katarungan ang manaig

Kapayapaan ang mamayani

Kasamaan ay maitaboy.

Hindi tayo susuko at mananawa,

Gigising, babangon, makikibaka, at magdadasal

Sapagkat mayroong Diyos na puno ng awa at biyaya.

Ngunit nasa Diyos ang awa,

Nasa tao ang gawa.


Kamusta ka na, Pilipinas?

Ikaw ang dapat na kinakamusta!


-Bishop Jun ng Balanga


The Most Reverend Bishop Rufino "Jun" Sescon, Jr., O.P., is the fifth Roman Catholic Bishop of Balanga in Bataan.  Bishop Sescon succeeded Bishop Ruperto Santos in 2024 after Bishop Santos was appointed Bishop of Antipolo.


Previous to his assignment as bishop of Balanga, Bishop Sescon was the parish priest of Quiapo Church from 2022 to 2024.  Prior to Quiapo, he was the chaplain of the Greenbelt Chapel from 2005 to 2022. He was ordained as a bishop on February 25, 2025.


Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are solely those of the author and do not necessarily reflect the official policy or position of Paraluman News.


LIFESTYLE STORIES

Somalis mark Mawlid with chants, marches and camel donations

Somalis mark Mawlid with chants, marches and camel donations

South Korean novelist Kim Ho-yeon to visit PH in September

South Korean novelist Kim Ho-yeon to visit PH in September

Aleppo's historic markets reopen, bringing life and hope back to the city

Aleppo's historic markets reopen, bringing life and hope back to the city

LATEST STORIES

At least 15 infants killed in hospital fire in Islamabad, Pakistan

At least 15 infants killed in hospital fire in Islamabad, Pakistan

'Habagat' to bring rains to Luzon

'Habagat' to bring rains to Luzon

US Secret Service aware of Iranian video threat vs. Trump's youngest son Barron

US Secret Service aware of Iranian video threat vs. Trump's youngest son Barron

bottom of page